Nanawagan ng katarungan si Cavite 1st District Rep. Ramon Jolo Revilla III, hinggil sa desisyon ng kaniyang amang si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad.
Ayon kay Revilla III, ito ay isang sinadyang hakbang upang harapin nang direkta ang mga akusasyon at ipakita ang tiwala sa mga institusyong legal ng bansa, kabilang na ang Sandiganbayan.
Binanggit ng kongresista na ang ginawa ng kanyang ama ay hindi pag-iwas kundi matapang na pagharap. Naniniwala umano si Revilla Jr. na ang tamang lugar para resolbahin ang mga isyu ay sa loob ng korte, kung saan nangingibabaw ang mga ebidensya at batas kaysa haka-haka.
Dagdag pa ni Revilla III, bilang anak ay mabigat ang sitwasyong ito para sa kanilang pamilya.
Subalit bilang mambabatas, kinikilala niya ang kahalagahan ng pananagutan at integridad ng due process.
Sa harap nito, nanawagan siya ng patas na pagtrato sa ilalim ng batas, makatarungang paghatol batay sa ebidensya, at patas na diskurso sa publiko na hindi nakabatay sa trial by publicity.
Hiniling din ng kongresista sa publiko at sa media na hayaang gumana ang sistemang pangkatarungan nang walang ingay, panggigipit, o mga agarang konklusyon.
Nagpasalamat siya sa patuloy na panalangin at malasakit ng mga taong naniniwala sa patas na paglilitis.
Sa huli, iginiit ni Revilla III na ang katotohanan ang mananaig.











