-- ADVERTISEMENT --

Pinalagan ni Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano na tinanggihan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang P10,000 ayuda.

Sa mensahe sa mga kawani ng media ngayong Sabado, Hulyo 18, sinabi ni Castro na maghahain ang Malacañang ng ebidensya upang pabulaanan ang alegasyon ni Cayetano. Kaugnay ito ng naging pahayag ng senador sa isang Facebook Live kung saan iginiit niyang tinutulan umano ni Pangulong Marcos ang kanyang panukalang magbigay ng ayudang pinansyal sa mga pamilyang patuloy na apektado ng COVID-19 pandemic.

“Magpapakita kami ng ebidensya upang pabulaanan ang kasinungalingan ni Senador Alan,” saad ni Usec. Castro.

Idinagdag pa ni Castro na patuloy umanong nagpapakalat si Cayetano ng mga walang batayang kuwento at gumagawa ng intriga. Aniya, sa halip na aminin ang sariling pagkukulang sa tungkulin, itinuturo umano nito ang sisi sa iba upang mailigtas ang sarili sa kahihiyan at ipinapasa pa ang trabahong hindi nito nagagawa.

Nauna nang ginawa ni Cayetano ang naturang pahayag matapos i-anunsiyo ng pamahalaan ang panibagong bugso ng ayuda na aabot sa P12,000 para sa mahigit pitong milyong mahihirap at mababang-kita na Pilipino na naapektuhan ng krisis sa langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanyang Facebook Live naman, sinabi ni Cayetano na noong 2021 hanggang sa pagpasok ng 2022 ay iminungkahi niyang maglaan ng pondo para sa mga hindi pa nakakabangon mula sa epekto ng pandemya. Ngunit ayon sa senador, matapos umanong manalo si Pangulong Marcos ay hindi na ito pumayag sa naturang panukala.