Malugod na tinanggap ng Malacañang nitong Miyerkules ang pagkakatalaga kay Faustino Dy III bilang bagong Speaker ng House of Representatives, sa gitna ng panawagan ng publiko para sa konkretong resulta sa mga isyung kinakaharap ng mamamayan.
Sa isang pahayag mula sa Presidential Communications Office (PCO), nagpahayag ang Palasyo ng pasasalamat kay dating Speaker Martin Romualdez sa kanyang naging ambag sa pagsusulong ng Bagong Pilipinas legislative agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa PCO, kinilala ng Pangulo ang mahalagang papel ng House of Representatives lalo na sa panahong nananawagan ang publiko ng konkretong aksiyon upang tugunan mga hinaing ng bayan.
Binigyang-diin din ng Palasyo ang kanilang paggalang sa pagiging independiyente ng House of Representatives, at muling tiniyak ang pangako ng administrasyon na makipagtulungan sa lahat ng mambabatas para sa kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino at ng buong bansa.