-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni House Infrastructure Committee Co-Chair Terry Ridon ang pamunuan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na agad punan ang kakulangan sa kanilang mga opisyal upang masigurong maparurusahan ang mga sangkot sa katiwalian sa flood control projects.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag bilang tugon sa posisyon ng Malacañang na nasa kamay ng komisyon ang desisyon sa magiging kapalaran nito bilang isang independent body.

Ayon kay Ridon, krusyal na madagdagan ang manpower at makumpleto ang hanay ng mga commissioners ng ahensya para maging mas malawak at masinsin ang kanilang imbestigasyon.

Dahil dito, ipinapayo ni Ridon na sa lalong madaling panahon ay magsumite na ng reorganization plan o malinaw na hakbang ang ICI kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang hindi masayang ang nasimulan ng mga itong trabaho.

Bagama’t kinikilala ang kalayaan ng ICI, binigyang-diin ng mambabatas na kailangan pa rin ng malinaw na direksiyon ang ahensya.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang una nang nagpahayag ang Palasyo na handang makinig ang Presidente sa rekomendasyon ng komisyon, maging ito man ay tungkol sa pagtatapos ng kanilang mandato o paghingi ng karagdagang suporta.