Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapairal ng mas malalim na pagkakaisa at malasakit sa kapwa kasabay ng pormal na pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan.
Sa kanyang mensahe sa komunidad ng mga Muslim sa Pilipinas at sa buong mundo, inihayag ng Pangulo ang hangarin na maging daan ang sagradong buwang ito upang muling mag-alab ang pagtutulungan at pag-unawa sa lipunan.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na ang bawat oras na ilalaan sa panalangin at pagninilay ay oportunidad upang linangin ang disiplina at pagpapakumbaba, na maglalapit sa bawat isa sa presensya ni Allah.
Ayon sa Pangulo, ang mga gawaing ito ay nagsisilbing tulay patungo sa mga pangunahing pagpapahalaga ng awa, katarungan, at tapat na paglilingkod.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos ang kanyang pakikiisa sa mga panalangin para sa patuloy na pag-unlad at kapakanan ng bawat pamilyang Pilipinong Muslim.











