Aminado ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na hindi agaran matatapos ang imbestigasyon ukol sa flood control projects anomaly.
Ayon kay Justice Sec. Remulla, mahabang proseso ang pagdadaanan pa nito sa sinimulang ‘case buildup’ laban sa mga sangkot sa isyu ng korapsyon.
Posible aniyang abutin ng nasa 120-araw bago tuluyang makapagsampa na ng pormal na kaso kontra sa mga indibidwal matutukoy na may kinalaman sa maanomalyang infrastructure projects.
Giit niya’y maswerte na umano na maisilbi o makakuha ng ‘warrant of arrest’ laban sa mga respondents sa darating na Pasko sakaling mapadali ang proseso.
Kanyang ipinaliwanag na ito’y dahil sa nagpapatuloy pang ‘case-buildup’ na dadaan pa sa mga preliminary investigation bago maihain ang kaukulang kaso sa korte.
“May preliminary investigation pa, hindi kasi caught in the act yan… So, case-buildup, preliminary investigation, which is a long process then court case… At least 120 days siguro,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
“Maswerte tayo kung by Pasko, pamasko nila warrant of arrest, maswerte na tayo ron,” dagdag pa ni Justice Secretary Remulla.
Sa kasalukuyan, mayroong higit 200-katao ang iniimbestigahan na ng Department of Justice ang umano’y sangkot sa flood control projects anomaly.
Ayon sa kalihim, 67 dito ay mga ‘cong-tractors’ o mga kontratistang kalauna’y naging kongresista at miyembro sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kung kaya’t tiniyak ni Justice Secretary Remulla na hindi lusot ang mga tinaguriang ‘congtractors’ na kabilang rin sa mga pananagutin ng kagawaran.
Ito’y kahit pa hindi direktang nakapangalan sa opsiyal ang proyekto o contractor na inuugnay sapagkat ‘open shot case’ naman raw na itong maituturing.
“Ginawa na eh, the sin has been committed eh, nakagat na yung mansanas eh,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.