-- ADVERTISEMENT --

Naobserbahan ngayong araw ng Huwebes, Pebrero 19, ang pag-sabog ng Bulkang Kanlaon nitong hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Batay sa tala ng seismic record, nagsimula ang pagsabog pasado alas-4:38 ng hapon at tumagal ng humigit-kumulang dalawang minuto.

Ayon sa PHIVOLCS, nagbuga ang bulkan ng makapal na usok na umabot sa 2,000 metro ang taas mula sa bunganga nito bago ito hanginin patungong timog-kanluran.

Naitala rin ang pagdaloy ng pyroclastic density currents (PDCs) o “uson” pababa sa bahagi ng itaas na dalisdis ng bulkan, sa loob ng isang kilometro mula sa summit crater.

Nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Kanlaon Volcano, na nangangahulugang may patuloy na pag-aalburuto.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong radius ng Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pag-ulan ng abo, at pagdaloy ng mapanganib na volcanic materials.

Pinapayuhan ang mga residente sa paligid ng bulkan na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad.