-- ADVERTISEMENT --

Welcome development para sa ilang senador ang pag-aksyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno laban sa online gambling sa bansa.

Pinuri ni Senadora Pia Cayetano ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa kanilang kongkretong hakbang upang panagutin ang mga content creator na nagpo-promote ng illegal na online gambling.

Inutusan na aniya ang ilang influencers sa pamamagitan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), na tanggalin ang mga materyales na may kaugnayan sa sugal.

Ikinalugod din ng senadora ang naging hakbang ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na tanggalin ang lahat ng billboard at public nationwide na may kaugnayan sa sugal sa buong bansa.

Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian na isang malaking hakbang tungo sa responsableng paggaamit ng digital services ang layunin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na higpitan ang mga patakaran sa pagbabayad para sa online gambling.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang pagtatakda ng limitasyon sa arawang gastos, oras ng paglalaro, at paggamit ng biometric verification ay makatutulong upang mapigilan ang lumalalang kaso ng pagkalulong sa sugal, lalo na sa mga kabataan.

Umaasa naman si Senadora Risa Hontiveros na magkakaroon ng sariling regulasyon ang mga kumpanya partikular ang mga malalaking casino dahil hindi biro aniya ang mga buhay na nasira at pwedeng masira dahil sa online gambling.

Giit nito, hindi na sapat ang pagsunod lamang sa batas kundi kailangan na rin ng pagkakaisa.

Samantala, sa pulong balitaan, sinabi ni Senador Raffy Tulfo, hindi siya kumporme na i-regulate ang online gambling kundi total ban.

Ayon sa senador, kahit na pinatatakbo ng PAGCOR dapat na ipagbawal ng online gambling dahil maraming kabataan partikular ang mga estudyante ang nalululong dito.