-- ADVERTISEMENT --

Pinababaliktad ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 204 ang pag-abswelto nito sa mga kaso ni dating Senator at kasalukuyang Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima may kinalaman sa iligal na droga.

Sa inihaing motion for reconsideration ng prosecutors sa pangunguna ni Provincial Prosecutor Ramoncito Bienvenido Ocampo, nakasaad na hindi sapat ang pagbawi ng testimoniya ng witness na si dating BuCor OIC Rafael Ragos para ipawalang bisa ang kaniyang orihinal na testimoniya.

Ayon sa prosecutors, paglapastangan ito sa criminal justice system.

Matatandaan, noong Hunyo 25 pinagtibay ng korte ang desisyon nito para iabswelto si de Lima kasunod ng pagsauli ng Court of Appeals sa kaso noong Abril 30.

Nanindigan si Presiding Judge Abraham Joseph Alcantara sa kaniyang posisyon na pag-abswelto sa drug cases ni de Lima

-- ADVERTISEMENT --

Subalit giit ng DOJ prosecutors hindi umano sumunod si Judge Alcantara sa direktiba ng CA at hindi ikinonsidera ang bigat ng pagbawi ni Ragos sa kaniyang testimoniya.

Maliban pa aniya kay Ragos, may iba pang mga testigo na magpapatunay sa akusasyon laban kay de Lima na isinasangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Samantala, hindi naman napigilan ni de Lima na magpahayag ng pagkagalit sa panibagong hakbang ng prosecutors kaugnay sa ikinakabit na drug cases sa kaniya.

Kinuwestyon ng mambabatas ang tila pagpataw sa kaniya ng triple jeopardy o pagusig/pagparusa sa kaniya ng maraming beses sa parehong kaso, makalipas ang halos 7 taon na hindi makatarungang pagkakakulong.