Nakatakdang tumanggap ng panibagong parangal ang boxing legend at People’s Champ Manny Pacquiao matapos ianunsyo na siya ay magiging bahagi ng Class of 2027 ng U.S. National Boxing Hall of Fame.
Ginawa ang anunsyo sa 3rd Pacquiao-Elorde Awards Night na ginanap sa Maynila, kung saan kinumpirma ni Eric Schmidt ang nasabing pagkilala.
Bago ito, napasama narin si Pacquiao sa International Boxing Hall of Fame Class of 2025 sa Canastota, New York. Dito ay nakasama niya ang kapwa Pilipinong boxing greats na sina Gabriel Elorde at Pancho Villa.
Kilala si Pacquiao bilang nag-iisang eight-division world champion sa kasaysayan ng boxing, kung saan mayroon siyang 12 major world titles at nakalaban ang 22 world champions sa kabuuan ng kanyang karera.
Sa liham mula sa National Boxing Hall of Fame, tinukoy si Pacquiao bilang “Main Event” inductee para sa Class of 2027.
Pinuri rin ang kanyang kontribusyon hindi lamang sa boxing kundi maging sa kanyang serbisyo sa bansa.
Inaasahang dadalo si Pacquiao sa induction ceremony na gaganapin sa Abril 25, 2027 sa Quiet Cannon sa Montebello, California.











