-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa P866,604,225.46 ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasamsam ng National Capital Region Police Office (NCRPO) mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2025, ayon kay NCRPO chief PMGen. Anthony Aberin.

Sinabi ni Aberin na ang nasabing tagumpay ay resulta ng 10,666 na focused at intelligence-driven anti-drug operations, na humantong sa pagkakaaresto ng 14,717 drug personalities. Binigyang-diin din niya na walang naitalang drug-related fatalities sa mga operasyon ng pulisya sa buong taon.

Bukod sa kampanya kontra droga, pinaigting din ng NCRPO ang operasyon laban sa loose firearms. Nagsagawa ang pulisya ng 2,624 operasyon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 2,689 indibidwal at pagkakakumpiska ng 2,743 baril.

Naitala rin ang 10,200 anti-illegal gambling operations, kung saan 24,024 katao ang naaresto at P5,634,927.60 ang nakumpiskang halaga ng ilegal gambling.

Sa pagpapatupad naman ng manhunt operations, iniulat ng NCRPO ang 15,034 na naarestong wanted persons, kabilang ang 5,810 Most Wanted Persons, bilang bahagi ng tuluy-tuloy na kampanya laban sa kriminalidad sa Metro Manila.

-- ADVERTISEMENT --

Sa loob ng organisasyon, pinalakas din ng NCRPO ang disiplina at pananagutan sa hanay ng pulisya. Ayon sa ulat, 646 personnel ang pinarusahan sa mga kasong administratibo, kung saan 252 ang tuluyang natanggal sa serbisyo.

Dahil sa pinagsama-samang operasyon, bumaba ang index crimes ng 3.34 porsiyento, mula 6,607 kaso noong 2024 patungo sa 6,386 kaso noong 2025.

Iniulat din ng NCRPO na naging mapayapa ang pagdaraos ng malalaking aktibidad sa bansa kabilang ang Traslacion 2025, EDSA People Power Anniversary, Labor Day celebrations, at State of the Nation Address (SONA).