Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P6.79-trillion 2026 national budget (House Bill 4058) nitong Lunes, Oktubre 13.
Nakakuha ito ng 287 boto pabor, 12 tutol, at 2 abstention matapos ang deliberasyon mula nuong Agosto 18.
Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, ang pagpasa ng budget ay patunay ng pagtutok ng Kongreso sa reporma at pananagutan.
Prayoridad sa budget ang edukasyon, kalusugan, agrikultura, at serbisyong panlipunan alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Panawagan ni Speaker Dy, dapat tiyakin ng mga mambabatas ang tapat at maayos na paggamit ng pondo ng bayan.
Bukod sa national budget, inaprubahan din ng Kamara ang ilang mahahalagang panukala gaya ng HB 4746 (Franchise para sa Bohol Light Company, Inc.) ; HB 4757 (Sustainable Cities and Communities Act); HB 4745 (Last Mile Schools Act; HB 4744 (Private Basic Education Vouchers Assistance Act).
Muling magbabalik ang sesyon ng Kamara sa Nobyembre 10, 2025, 3:00 PM
SAMANTALA, Tiniyak ni House Appropriations Chair Rep. Mikaela Suansing, na ang 2026 national budget ay tugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
P1.28 trilyon ang inilaan sa edukasyon pinakamalaki sa kasaysayan, lampas sa 4% global benchmark. Kabilang dito ang pondo para sa libreng kolehiyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
P411.2 bilyon para sa kalusugan, kabilang ang P113B para sa PhilHealth at P49B sa zero-balance billing program para sa mahihirap.
P292.9 bilyon para sa agrikultura, kabilang ang P10B ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda, P74.5B para sa farm-to-market roads at irigasyon, at P30B para sa makinarya.
Ang karagdagang pondo ay galing sa tinanggal na P255B flood control projects. Ayon kay Suansing, wala nang infrastructure projects na maaaring pondohan mula sa unprogrammed appropriations maliban na lang kung may dagdag na kita ang gobyerno.
Ipinaalala rin niya na hindi bahagi ng national budget ang unprogrammed appropriations at hindi ito awtomatikong mapopondohan.
Dagdag pa ni Suansing, naging mas bukas at tapat ang proseso ng pagtalakay sa budget sa pamamagitan ng pag-alis sa small committee, pakikipag-ugnayan sa mga civil society group, at pagsunod sa constitutional process ng pag-aamenda bago ang ikalawang pagbasa.
Muling magbabalik ang sesyon ng Kamara sa Nobyembre 10, 2025, 3:00 PM