-- ADVERTISEMENT --

Naglabas ng ulat ang Commission on Audit (COA) na nagsasabing napabayaan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang humigit-kumulang P581 milyong halaga ng narekober at nasamsam na umano’y ill-gotten assets mula sa pamilya Marcos at kanilang mga kaalyado, dahil sa kulang at maling paggamit ng pondo.

Ayon sa COA report para sa 2024, mas mababa sa P24 milyon kada taon ang badyet ng PCGG mula 2021 hanggang 2024, na halos nakatuon lamang sa legal services, buwis, at administrative fees.

Noong 2023, bumaba pa ang badyet sa P15 milyon, at noong 2024, kahit tumaas ito sa P25.32 milyon, P1.27 milyon lamang ang aktwal na naitabi para sa pagpreserba ng asset.

Dahil dito, ilang ari-arian ang nalagay sa panganib, kabilang ang Banahaw Broadcasting Corporation (BBC) Naga property na sinasakop ng 15 informal settlers, P340 million na jewelry collection na walang updated appraisal, P28.58 million halaga ng artworks na walang tamang storage, Piedras property na P129 million ngunit may hindi nababayarang real property tax, mga condo at lupa sa Cavite na walang security at fencing.

Ayon sa COA, ang kapabayaan ay maaaring humantong sa pagkasira ng ari-arian, ilegal na okupasyon, legal disputes, at posibleng forfeiture, na salungat sa mandato ng PCGG na protektahan ang nakuhang ill-gotten wealth.

-- ADVERTISEMENT --

Depensa naman ng PCGG, kulang ang pondo, ngunit binigyang-diin ng COA na hindi rin naisama ng ahensya sa kanilang plano ang asset preservation, kaya walang karagdagang pondo ang na-request mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Sumang-ayon naman ang PCGG sa mga rekomendasyon ng COA para ayusin ang preservation program, humingi ng dagdag pondo, at gamitin ang bahagi ng proceeds mula sa narekober na assets.

Matatandaan, ang PCGG ay nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 1 ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1986 matapos ang People Power Revolution, upang mabawi ang umano’y nakaw na yaman ng pamilya Marcos at kanilang mga kaalyado.