Binuksan ang outpatient department (OPD) sa mga ospital ng Department of Health (DOH) at nag-alok ng mga libreng serbisyo ngayong Sabado, Setyembre 13.
Karaniwan kasing nakasara ang outpatient department kapag araw ng Sabado subalit bilang handog ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kaniyang ika-68 kaarawan, binuksan ito sa publiko.
Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, ipinag-utos ng Pangulo na mabuksan ngayong araw ng Sabado ang mga outpatient department sa DOH hospital sa buong bansa kung saan nag-alok ng libreng konsultasyon. Nag-alok din ng medical treatments, laboratory tests at procedures na hindi nangangailangan ng magdamag na admission sa ospital.
Maliban dito, naghandog din ang Pangulo ng iba’t ibang outpatient at screening services sa mahigit 13,000 Pilipino sa lahat ng rehiyon sa Luzon kabilang na sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at CALABARZON.
Hinandugan din ng Pangulo ang mahigit 5,000 Pilipino sa lahat ng rehiyon sa Visayas ng mga serbisyong medikal na nakatuon sa preventive health care.