Nanindigan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon nang inilabas ang International Criminal Court (ICC) na warrant of arrest laban kay Sen. Ronald Dela Rosa.
Maalalang inilutang ni Remulla ang naturang isyu noong unang lingo ng Nobiyembre ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang isinasapublikong kopya nito. Mula noon, hindi na rin nakita si Sen. Dela Rosa sa Senado o sa iba pang public area.
Ayon kay Remulla, nalaman niya ito mula sa mga kakilala sa Department of Justice (DOJ) at isa iba pang nagsisilbi nilang ‘liaison’ para sa ICC.
Kwento ng dating Justice secretary, isang buwan na ang nakakalipas noong pinuntahan siya ng kaniyang mga kakilala at tinalakay nila ang tungkol sa warrant.
Noong tinanong umano niya ang kopya nito, ipinakita umano nila ang unang pahina ng arrest order.
Sa sumunod na araw, kinausap din niya ang isang hindi na pinangalanang indibidwal na nagsisilbing liaison para sa ICC. Ipinakita rin umano ng naturang indibidwal ang buong kopya ng naturang dokumento.
Una na ring nanindigan ang DOJ, Department of Foreign Affairs, at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na may pangunahing superbisyon sa Philippine National Police, na wala pa silang natatanggap na arrest warrant mula sa ICC.











