-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ang International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang pagdedesisyon sa hamon nito sa hurisdiksyon ng korte kaugnay ng mga umano’y krimeng naganap sa ilalim ng kanyang war on drugs.

Sa dokumentong inilabas noong Hulyo 24, 2025, iginiit ng principal counsel ng mga biktima na si Paolina Massidda na walang sapat na batayan ang kahilingan ng kampo ng dating pangulo at ito’y salungat din umano sa interes ng mga biktima. Aniya, ang mga argumento na nirequest ay hindi konektado sa isyung may kinalaman sa hurisdiksyon ng korte.

Tinawag pa ng OPCV na “speculative” o haka-haka lamang ang hiling ng kampo ng dating pangulo, at sinabi nilang may karapatan ang mga biktima sa mabilis at malinaw na legal process.

Dagdag pa ng OPCV, handa na ang korte upang maglabas ng desisyon, at ang tanging legal na opsyon na lamang ng defense ay bawiin ang kanilang hamon na hindi pa nila ginagawa.

Samantala, sa panibagong dokumentong inihain rin noong Hulyo 24, inulit ng abogado ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman ang kanilang hiling na huwag ituloy ang pagdinig sa ilang isyu (na hindi isiniwalat sa publiko). Sinabi rin ng kampo ng dating pangulo na wala silang ihahain na saksi o testimonya sa hearing, at magbibigay na lamang sila ng dokumentaryong ebidensya.

-- ADVERTISEMENT --

Wala pa ring desisyon ang ICC Pre-Trial Chamber I sa kahilingan ng defense team ni Duterte na magkaroon ng status conference para pag-usapan ang mga isyu kaugnay ng nakatakdang confirmation hearing sa Setyembre, 2025.