-- ADVERTISEMENT --

Sa bisa ng mabilis na pagresponde, naaresto ng mga tauhan ng Parang Municipal Police Station (MPS) ang isang suspek sa kasong carnapping sa isinagawang operasyon noong gabi ng Hunyo 26, 2025.

Bandang alas-10:30 ng gabi, nakatanggap ng ulat ang Parang MPS ukol sa isang insidente ng motornapping sa may Punta Beach, Barangay Magsaysay. Agad na rumesponde ang mga operatiba sa lugar at natunton ang suspek sa hindi kalayuang bahagi ng bayan.

Agad na inaresto ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Carnapping Law of 2016. Matagumpay ding na-recover ng pulisya ang ninakaw na motorsiklo.

Pinasalamatan at pinuri ng publiko ang mabilis na aksyon ng Parang MPS sa pagpapanumbalik ng kaayusan at seguridad sa komunidad.

Sa pangunguna ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, nananatiling matatag ang Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa kanilang paninindigang tiyakin ang kapayapaan, katahimikan, at kaligtasan ng mga mamamayan sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --