Itinuring ng kasalukuyang direktor ng National Bureau of Investigation na isang ‘harassment’ ang panibagong reklamong kinakaharap ni Department of Justice Sec. Jesus Crispin Remulla sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Ret. Judge Jaime B. Santiago, direktor ng kawanihan, nakikita niyang tangkang pagpigil at panggigipit lamang ang inihaing reklamo ni Atty. Ferdinand Topacio sa Ombudsman.
Kamakailan lamang kasi ay inihain ng naturang abogado ang reklamong arbitrary detention laban kina NBI Dir. Santiago at Justice Sec. Remulla sa Ombudsman.
Kaugnay ito sa umano’y naganap na ilegal na pagkakaaresto at pagkakadetene nina Cassandra Li Ong at Shiela Guo noong nakaraang taon.
Ngunit mariing iginiit ni Ret. Judge Santiago na ang reklamong ito ay layon lamang hindi magkaroon ng clearance si Justice Sec. Remulla sa Ombudsman.
Ito kasi ang isa sa mga ‘requirements’ ng Judicial and Bar Council para mapabilang sa mga nominado o shortlist sa posisyong pagka-Ombudsman.
At ang kasalukuyang kalihim ng kagawaran ay siyang aplikante rito kaya’t naniniwala si NBI Chief Santiago na ang mga reklamong ngayon lamang inihahain ay panggugulo lamang.