-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago si aLyas Totoy na pangalanan ang personnel ng ahensiya na umano’y may kinalaman sa pagkawala ng maraming mga sabungero.

Una nang sinabi ng kontrobersyal na whistleblower ang umano’y pagkakasangkot ng ilang personnel ng NBI, sa isyu ng missing sabungero, kasama ang mga pulis, at ilang malalaking personalidad.

Giit ni Dir. Santiago na hindi makakapagsimula ng kaso kung walang mga partikular na pangalan o pagkakakilanlan.

Kung tatanggi aniya si alyas Totoy na magbanggit ng pangalan, tiyak na hindi ito maiimbestigahan at lahat ng mga personnel ng NBI ay ituturing na bilang mga suspek sa naturang krimen.

Una nang nagpahayag ang NBI ng kahandaang tumulong sa umuusad na imbestigasyon na pinangungunahan ng Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ).

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Santiago, handa rin ang ahensiya na magsagawa ng forensic procedures tulad ng DNA testing, lie detector test, at iba pang proseso upang makatulong sa pagtukoy sa katotohanan sa likod ng mga ibinunyag ni alyas Totoy.

Una na ring inamin ni PNP chief PGen. Nicolas Torre III na nasa kostudiya na ng pulisya ang kontrobersyal na whistleblower mula pa noong siya ay hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).