-- ADVERTISEMENT --

Opisyal nang binuksan ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pagbubukas ng submissions para sa 2026 edition nito, kasama ang mahahalagang deadline para sa mga filmmaker na nais lumahok.

Sa advisory na inilabas noong Abril 8, sinabi ng MMFF Committee na ang pagsusumite ng letters of intent ay hanggang Mayo 15, 2026 lamang na susundan ng deadline para sa script submission sa Hunyo 15, hanggang alas-5:00 ng hapon.

Samantala, ang mga kumpletong pelikula ay kailangang makapagpasa bago ang Setyembre 30, ng ala-5 ng hapon.

Hinimok ng komite ang mga kalahok na tiyaking kumpleto at naipapasa sa oras ang lahat ng requirements upang maging kwalipikado sa selection process.

Ginaganap taun-taon tuwing Disyembre, ang MMFF na kilala sa pagpapalabas ng mga pelikulang Pilipino sa panahon ng Kapaskuhan at nagsisilbing plataporma para sa parehong mainstream at independent filmmakers.

-- ADVERTISEMENT --

Noong nakaraang taon, walong pelikula ang napiling official entries mula sa 23 scripts na isinumite.

Pinili ang mga ito batay sa artistic excellence, commercial appeal, Filipino cultural sensibility, at global appeal.

Pinamumunuan ang selection committee ni Boots Anson-Rodrigo.

Sa Gabi ng Parangal noong nakaraang edisyon, nanguna ang pelikulang “Manila’s Finest” na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Enrique Gil na humakot ng parangal, kabilang ang Best Cinematography at Best Production Design.

Bukod dito, gumawa rin ng kasaysayan si Vice Ganda bilang kauna-unahang openly gay na nagwagi ng Best Actor, habang si Krystel Go naman ang kauna-unahang may Down syndrome na nanalo ng Best Actress.