Patay ang isang 32-anyos na public school teacher at dating national beauty pageant finalist matapos pagbabarilin habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa harap ng kanilang bahay sa San Manuel, Isabela, Biyernes ng gabi, Pebrero 13.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Lullete Jane Ramilo-De Guzman.
Ayon sa imbestigasyon, nakaupo siya sa loob ng isang sport utility vehicle kasama ang kanyang tatlong anak bandang alas-6:45 ng gabi sa Barangay Cabaritan nang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklong walang plaka.
Lumabas umano ang ama ng biktima upang buksan ang gate ng kanilang bahay nang biglang pumasok ang suspek sa lugar at nagpaputok ng ilang beses sa malapitan bago tumakas patungong silangang bahagi ng bayan sa kahabaan ng national highway.
Isinugod pa si Ramilo-De Guzman sa Manuel Roxas District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa mga tama ng bala sa mukha at katawan. Hindi nasaktan ang kanyang mga anak ngunit naiulat na nasa matinding pagkabigla matapos masaksihan ang insidente.
Naging runner-up si Ramilo-De Guzman sa 2013 Miss Philippines-Earth at tumanggap ng ilang special awards bago nagpatuloy sa karera bilang guro matapos magtapos sa University of Perpetual Help System-Isabela campus.
Ayon sa pulisya, patuloy ang imbestigasyon at sinusuri ang iba’t ibang anggulo, kabilang ang personal at propesyonal na motibo. Wala pang natutukoy na suspek habang hinihintay pa ang resulta ng forensic examination upang matukoy ang ginamit na baril.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cuayan sinabi ni Clifford Dela Cruz, nag-message pa aniya ang asawa nito bago ang insidente na tila nag-papahiwatig ng kanyang pagiging balisa dahil sa kalusugan.
Habang umuwi muna sa Maynila si Dela Cruz matapos ang pamamaril. Nanawagin din si Clifford ng hustisya at tulong mula sa publiko para sa kinaroroonan ng suspek.











