Inanunsiyo ng elite military unit na naagaw na nila ang pamumuno sa Madagascar matapos i-impeach ng parliamentarians ang kanilang Pangulo na si Andry Rajoelina.
Sa kaniyang pagharap sa labas ng presidential palace, sinabi ni CAPSAT chief Col. Michael Randrianirina na bubuo ang militar ng isang gobyerno at magdaraos ng halalan sa loob ng dalawang taon.
Bubuwagin din aniya nila ang mga demokratikong institusyon gaya Senado, ang High Constitutional Court, High Court of Justice, High Council for the Defense of Democracy and the Rule of Law at Independent National Electoral Commission.
Inihayag din ng military chief na magiging bahagi ng pagbabago ang Gen Z protesters dahil ang naturang movement ay nabuo sa kakalsadahan kayat kailangan aniyang respetuhin ang kanilang mga demand.
Samantala, ipinagdiwang naman ng mga sundalo at protester ang pagpapatalsik kay President Rajoelina, kung saan libu-libong katao ang nagwagayway ng kanilang bandila sa kabisera ng Antananarivo.
Ang CAPSAT o Personnel Administration and Technical and Administrative Services Corps, ang pinakamakapangyarihang military unit sa Madagascar.
Nitong Martes, pinangalanan na ng constitutional court ng Madagascar ang military chief bilang bagong leader ng bansa subalit, sinabi ng opisina ni President Rajoelina na nananatiling in charge pa rin ang nagtatagong Pangulo at binatikos ang anila’y “attempted coup d’état.