Binigyang diin ng Department of Justice na dapat panumpaan ng mga Villar sa harap ng ‘prosekusyon’ ang kanilang ‘kontra-salaysay’ ukol sa mga reklamong kinakaharap.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi maaring isantabi o di’ sundin ng mga ‘respondents’ ang direktiba ng prosekusyon.
Sa naganap kasing ‘preliminary investigation’ nitong nakaraan, hiniling ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong na sa kanila manumpa ang mga ito at hindi sa ibang piskal.
Inirekumenda din ni Prosecutor Ong na sumunod ang mga ito sa takdang oras, sa ganap na alas-dos ng hapon; hindi mas maaga at baka aniya’y wala ang ilan sa kanilang mga opisina.
Paliwanag niya’y ang paghimok sa mga respondents na panumpaan ang kanilang ‘counter-affidavits’ sa harap ng prosekusyon ay para hindi na gumugol pa ng oras sa pagbeberipika kung ito’y galing sa ‘notary public’ o ibang piskal.
Kung kaya’t iginiit ni Justice Spokesperson Martinez na mahalagang sundin ang utos ng prosekusyon sapagkat ito ang nasusunod sa pagdinig ng reklamo.
“Opo yes, definitely. Ang mga kaso po na hawak ng prosecutors dito sa DOJ, only the prosecutors have full control over. So if it is a directive by the handling prosecutors, dapat po sundin yon ng mga respondent,” ani DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez.
Kabilang sa mga inirereklamo ay ang kumpanyang Villar Land Holdings Corporation, Manuel Villar Jr, Cynthia Villar, Cynthia Javarez, Camille Villar, Mark Villar at iba pa.
Nahaharap sila sa mga reklamong market manipulation, insider trading at misleading disclosures na isinampa mismo ng Securities and Exchange Commission sa DOJ.
Subalit aminado si Justice Spokesperson Martinez na walang mabigat na pananagutan o epektong dulot sakaling di’ sa kagawaran personal panumpaan ng mga Villar ang kanilang ‘kontra-salaysay’.
Maari naman raw humiling ang mga ito na maagang maghain o sa iba panumpaan ang dokumento ngunit tutukuyin pa ng prosekusyon kung sila’y pagbibigyan.
Itinakda ng ‘panel of prosecutors’ ang susunod na petsa ng preliminary investigation sa ika-20 araw ng susunod na buwan ng Abril.











