Libu-libong mamamayan, kabilang ang ilang kilalang personalidad sa showbiz, ang lumahok sa dalawang malaking kilos-protesta na sabayang isinagawa sa Rizal Park, Maynila at EDSA People Power Monument bilang pagtutol sa maanumalyang korapsyon sa mga flood control projects.
Nabatid na ang rally ay pinamagatang “Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon” at “Trillion Peso March” ay tugon sa mga ulat ng maling paggamit ng pondo ng bayan na nakalaan sana para sa mga proyektong panlaban sa baha.
Kabilang sa mga artistang namataan sa protesta ay sina Vice Ganda, Anne Curtis, Donny Pangilinan, Jasmine Curtis-Smith, Darren Espanto, Andrea Brillantes, Julia Barretto, Jodi Sta. Maria, Angel Aquino, at iba pa.
Ibinahagi rin ng ilan sa kanila sa social media ang kanilang panawagan para sa transparency at pananagutan mula sa pamahalaan.
Ayon sa mga organizer, simula pa lamang ito ng mas malawak na kilusan para siguruhing ang pera ng bayan ay magamit nang tama at tapat—lalo na’t patuloy ang matinding pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.