Alam niyo ba, mga ka-Bombo, habang sumasailalim sa gamutan ang isang 65-anyos na lola dahil sa tinatawag na knee osteoarthritis, nadiskubre ng mga doktor sa South Korea ang daan-daang purong gold thread na nakalagay sa kanyang tuhod.
Ayon sa ulat, ang hindi pinangalanang pasyente ay matagal nang nakararanas ng matinding pananakit sa tuhod dahil sa osteoarthritis.
Iba’t ibang gamot na rin ang nareseta sa kanya tulad ng painkillers, non-steroidal anti-inflammatory drugs, at steroid injections na diretsong itinuturok sa kanyang tuhod, pero hindi nito napawi ang kanyang matinding pananakit.
Dahil dito, at sa mga negatibong epekto ng mga gamot gaya ng panlalamig o panginginig ng katawan, nagdesisyon ang lola na subukan ang kontrobersyal na gold thread acupuncture.
Pagkalipas ng ilang linggo, lalong lumala ang pananakit na kanyang nararamdaman kaya nagdesisyon siyang muling bumalik sa ospital.
Ayon sa mga doktor, ang paglalagay ng sterile na piraso ng ginto sa tuhod ay hindi pa napatutunayang epektibo, kaya patuloy nilang pinaaalalahanan ang publiko na iwasan ang ganitong klase ng alternatibong paggamot.