-- ADVERTISEMENT --

Iniulat ng Philippine Consulate General sa Houston na ligtas at walang napaulat na nasawing mga Pilipino mula sa mapaminsalang pagbaha sa Texas, USA.

Sa ngayon, puspusan ang pakikipag-ugnayan ng konsulada sa Filipino community sa Kerr County, Kerrville City at Central Texas, ang mga lugar na matinding naapektuhan ng biglaang pagbaha, upang matukoy ang kalagayan ng mga apektadong Pilipino doon.

Ayon sa Assistant to Nationals sa konsulada sa Houston, masusi nilang binabantayan ang mga apektadong lugar lalo na sa may Kerr County na matinding hinagupit ng mga pagbaha.

Patuloy din na nakabantay ang Consulate General sa mga kaganapan at kalalabasan ng isinasagawang search and rescue operations sa mga binahang lugar sa Central Texas.

Nakahanda naman ang konsulada na magbigay ng kaukulang mga tulong para sa mga Pilipino na maaaring naapektuhan ng mga pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --

Hinihimok naman ng Konsulada ang mga Pilipino sa Texas na subaybayan ang emergency advisories at tumawag sa mga awtoridad sakali mang mangailangan ng tulong.

Ngayong Lunes, sumampa na sa 86 katao ang bilang ng mga nasawi sa pagbaha sa Texas. Karamihan o 68 sa mga biktima ng kalamidad ay mula sa Kerr County kabilang ang 28 mga bata habang ang iba pang biktima ay mula sa ibang lugar sa Texas habang mayroon pang 41 indibidwal ang nawawala.