Nagpaalala ang Malacañang sa mga Pilipino sa California, Estados Unidos, na manatiling alerto sakaling maglunsad ng pag-atake ang Iran sa estado bilang bahagi ng kanilang paghihiganti sa tumitinding tensyon sa Middle East.
Kasunod ito ng advisory mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) na nagpabatid sa pulisya sa California na balak ng Iran na magpadala ng mga unmanned aerial vehicle (UAV) patungo sa mga hindi inilantad na target sa estado noong Pebrero.
Nagbabala rin ang FBI na posible pang magkaroon ng sorpresa o biglaang pag-atake ang Iran sa hinaharap. Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) ng Malacañang, pangunahing prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Pahayag ng opisina, gagawa ng repatriation o pagpapauwi sa Pilipinas kung kinakailangan.
Dagdag pa ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, dapat seryosohin ang mga impormasyon mula sa mga law enforcement agencies ng Estados Unidos.
Tinatayang may 1.6 milyong Pilipino ang naninirahan sa California, kung saan 500,000 ang nasa Los Angeles at 290,000 ang nasa San Francisco.
Sinabi naman ni California Gov. Gavin Newsom na wala namang agarang banta sa estado sa kabila ng warning ng FBI tungkol sa posibleng pagpapalipad ng mga drones ng Iran sa West Coast bilang bahagi ng kanilang paghihiganti.











