Hinihimok na rin ang mga Pilipino abroad na tumulong para matunton ang puganteng si dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co.
Ito ay matapos na sabihin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na pinaniniwalaang nagtatago sa Portugal ang dating mambabatas at posibleng gumagamit ng Portuguese passport na matagal na niyang nakuha at ginagamit ngayon para makabiyahe sa Europa.
Hindi naman makumpirma pa ng kalihim kung regular na Portuguese passport ang ginagamit ni Co o kung nag-avail siya ng golden visa program sa Portugal, na nagbibigay ng limang taong residency permit sa mga hindi mamamayan ng European Union kapalit ng investments na nagkakahalaga ng 500,000 euros o katumbas ng P34 million.
Ipinaubaya naman na ng kalihim sa Department of Foreign Affairs ang pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa napaulat na golden visa na hawak umano ni Co.
Matatandaan, nauna ng kinumpirma ni Remulla na mayroon nang inisyung blue notice ang International Criminal Police Organization (Interpol) para magamit sa pagtunton sa kinaroroonan ni Co, at posibleng sunod na ilalabas ang red notice para payagan ang police sa buong mundo na matunton at maaresto ang nagtatagong dating kongresista.











