-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa lahat ng kasalukuyang opisyal ng gobyerno, mula sa Kongreso hanggang Malacañang, na sabay-sabay na magbitiw sa puwesto at magdaos ng snap election upang magluklok ng panibagong hanay ng mga lider.

Sinabi ni Cayetano na maaaring ito na lamang ang tanging paraan upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa mga political institutions ng bansa.

Ayon sa senador, ang sunod-sunod na isyu ng korapsyon na kinahaharap ng gobyerno ay sumira sa pundasyon ng pananampalataya ng taumbayan sa pamumuno, at ang tunay na pananagutan ay nangangailangan ng higit pa dapat sa mga salita mula sa mga opisyal.

Hirit pa ng mambabatas, wala dapat sa mga kasalukuyang opisyal ang dapat pahintulutang tumakbo muli.

Itinuturing ito ni Cayetano na isang “pambansang reset button” na magpapatunay na ang paglilingkod sa bayan ay hindi tungkol sa pansariling interes kundi sa tunay na pangangalaga sa tiwala ng mamamayan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang pahayag ni Cayetano ay lumabas sa gitna ng muling pag-usbong ng galit ng publiko dahil sa mga kontrobersya ng korapsyon na kinasasangkutan ng ilang proyekto sa imprastraktura at maling paggamit ng pondo.

Wala pang opisyal na tugon mula sa Malacañang, ngunit ayon sa ilang kaalyado ng administrasyon, tinawag nila itong “political theater.”

Gayunman, may ilan ding nagsabing sumasalamin ito sa lumalaking pagkadismaya kahit sa loob ng gobyerno mismo.