-- ADVERTISEMENT --

Lumabas sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na mabagal pa rin ang mga negosyo sa Pilipinas sa paggamit ng artificial intelligence o AI.

Ayon sa ulat, 14.9 porsyento lamang ng mga negosyo ang gumagamit ng AI kahit na may access naman sila sa internet.

Batay sa pag-aaral na may pamagat na “Readiness for AI Adoption of Philippine Business and Industry: The Government’s Role in Fostering Innovation- and AI-Driven Industrial Development,” nakatuon lamang ang paggamit ng AI sa malalaking kompanya sa mga urban na lugar.

Ang mga sektor na may pinakamataas na AI adoption ay ang Information and Communications Technology (ICT) na may 7.19 porsyento, at ang Business Process Outsourcing (BPO) na may 5.94 porsyento.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 90.8 porsyento ng mga establisyemento sa bansa ay may kompyuter at 81 porsyento ang may internet access.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga may-akda ng pag-aaral na sina PIDS Senior Research Fellow Francis Mark Quimba, dating Supervising Research Specialist Neil Irwin Moreno, at dating Research Analyst Alliah Mae Salazar, ang mga pangunahing hadlang sa paggamit ng AI ay ang limitadong digital infrastructure, kakulangan sa kaalaman ukol sa AI technologies, kakulangan sa mga kasanayan, at hindi sapat na pondo.

Kabilang sa mga rekomendasyon ng pag-aaral ang pagpapalakas ng imprastruktura ng bansa, lalo na sa pagpapalawak ng broadband connectivity, partikular sa mga lugar na kulang ang serbisyo.

Ayon pa sa pag-aaral, kailangang mamuhunan ang pamahalaan sa mga data center at cloud computing facilities upang masuportahan ang lumalaking pangangailangan sa data.

Dagdag pa rito, binigyang-diin din sa pag-aaral ang pangangailangan na paunlarin ang human capital sa pamamagitan ng pagtatakda ng malinaw na pamantayan para masukat ang AI talent development outcomes.

Iminungkahi rin ng pag-aaral na suriin ang mga regulatory frameworks, palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor, at gumawa ng mga gabay para sa responsableng paggamit ng teknolohiyang ito.