GENSAN– Muling binalaan ng mga health experts ang publiko laban sa mga sakit habang tumitindi ang nararanasang init ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Gensan kay Dr. Karl Igrobay, assistant department head ng City Health Office ng lungsod, ang ganitong panahon ay nagpapataas ng panganib sa ‘heat-related illnesses’ tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at ang nakamamatay na heat stroke.
Upang maiwasan ang masamang epekto ng matinding init, ang payo nito ay iwasan ang direktang sikat ng araw kung saan limitahan ang paglabas ng bahay, lalo na sa pagitan ng 10:00 AM hanggang 4:00 PM.
Magsuot ng maluwag, magaan, at ‘light-colored’ na damit upang makahinga ang balat.
Mas mainam na magdala ng payong, magsuot ng sumbrero, at maglagay ng sunscreen kung kailangang lumabas.
Dagdag ni Dr. Igrobay na kailangang uminom ng maraming tubig, kahit 8-10 baso ng tubig bawat araw.
Iwasan ang mga inuming nagpapabilis ng dehydration, kayat limitahan ang kape, tsaa, softdrinks, at alak dahil maaari itong magdulot ng mas mabilis na pagkawala ng tubig sa katawan.
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa tubig tulad ng prutas gaya ng pakwan, melon, at papaya.
Kun nagtatrabaho sa labas, magpahinga nang madalas sa malilim na lugar.
Payo din nito na bantayan ang mga delikadong sintomas ng Heat Stroke tulad pagkahilo at sakit ng ulo, pagsusuka, panghihina o pagkawala ng malay, at tuyong balat (walang pawis kahit mainit).
Inihayag ni Dr. Igrobay na kapag may nakitang sintomas tulad ng nabanggit ay dalhin agad ang tao sa malilim o malamig na lugar.
Palamigin ang katawan sa pamamagitan ng pagpahid ng basang tela o pag-spray ng tubig.
At, tumawag agad ng saklolo o dalhin sa pinakamalapit na ospital.










