-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ng kasalukuyang direktor ng National Bureau of Investigation na si Retired Judge Jaime B. Santiago na maging ang itinatayong bagong buidling ng kawanihan sa Maynila ay mismong mga Discaya rin ang kontratista.

Kanyang isinawalat ang nadiskubreng ito kung saan nilinaw ng direktor na marahil nakuha at nanalo sa bidding ang mga Discaya bago pa man siya maupo sa pwesto.

Nagkakahalaga aniya ang proyekto ng nasa 2.4-bilyon Piso at base sa inisyal na impormasyon dalawang kontratista ng mga ito ay pagmamay-ari ng Discaya.

Habang kanya pang ibinahagi na ang Department of Public Works and Highways ang siyang nagbukas ng bidding kung saan nakuha ng mga Discaya ang proyekto.

Kaya’t kanyang tiniyak na isasama aniya nila ito sa imbestigasyon ng kawanihan laban sa kontrobersyal na mga proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit binigyang linaw ni Director Santiago na hindi ito nangangahulugang nagkaroon ng anomalya sa pagpapatayo ng naturang bagong building sa Maynila.

Personal nating binisita ang lokasyon ng proyekto at ating nasaksihan na base sa mga sinabi ng direktor, wala pang naitatayong bagong building.

Bagama’t aniya may naihukay at nailagay ng pundasyon, ating nadatnan sa lugar ang ilang mga materyales at makinang gamit sa kontruksyon.

Samantala, inaasahan namang magsusumite na ang kawanihan sa Department of Justice ng resulta sa inisyal na imbestigasyon nito kaugnay sa flood control projects.

Pagtitiyak niya’y tuloy-tuloy ang kanilang pag-imimbestiga matukoy lamang ang katotohanan sa naturang kontrobersiya.