-- ADVERTISEMENT --

Isang Italian mechanic ang gumulantang sa mundo ng pagmemekaniko matapos siyang makabuo nang pinakamakitid na kotse mula sa luma niyang Fiat Panda.

Si Andrea Marazzi, isang batang mekaniko at YouTuber, ay naglaan ng isang taon para gawing “ultra-thin” ang isang 1993 Fiat Panda. Sa lapad na 50 centimeters, kasya lang ang mismong driver nito at iisang headlight. Naging usap-usapan online ang kanyang kotse at tinawag itong “Flat Fiat.”

Gamit ang halos lahat ng orihinal na piyesa ng kotse, tiniyaga ni Marazzi na ayusin, putulin, at i-welding ang kotse hanggang sa maging makitid ito. Fully electric na rin ang kotse na may taas na 145 cm, haba na 340 cm, at timbang na 264 kilos. Hindi ito pangkarerang sasakyan, ang top speed nito ay 15 km/h lamang, at kaya lang makapaglakbay ng 25 km sa isang charging cycle ng baterya.

Hindi ito aprubadong gamitin sa kalsada; katuwaan lang daw at para mapansin ang negosyo ni Marazzi na isang junkyard. “Nagsimula lang ito sa junkyard at isang kalokohang ideya,” ani Marazzi. “Isang taon ng pagtitiyaga, pagkakamali, at tawanan para lang makagawa ng bagay na wala pang nakakasubok bumuo: ang pinakamakipot na Panda Fiat sa mundo.”

Dahil sa kasikatan ng kanyang proyekto, plano ngayon ni Marazzi na mag-apply sa Guinness World Records para mabigyan ito ng titulong “narrowest car”.

-- ADVERTISEMENT --