Nanindigan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong nitong Miyerkules na mas “credible” ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa mga maanumalyang flood control projects kumpara sa isinasagawang imbestigasyon ng Kamara.
Ginawa ng alkalde ang pahayag sa isang forum sa Kapihan sa Manila Hotel kung saan sinabi nito na batay sa kanyang mga karanasan, nakikita niyang mas maayos ang proseso ng Senado.
‘Being an investigator nakikita ko yung how the process are being done. Mas nakikita ko talaga na mas maayos,’ ani Magalong.
Bagamat nabanggit ang mga pangalan nina Senator Jinggoy Estrada at Joel Villanueva na kasalukuyang iniuugnay sa kontrobersiya, ipinahayag ni Magalong ang kanyang patuloy na tiwala sa Senado, lalo na’t si Senator Panfilo Lacson na umano ang namumuno sa Blue Ribbon Committee na kasalukuyang mag-iimbistiga sa korapsyon sa flood control.
‘I am not questioning Sen. Marcoleta — he is also very capable — but with Sen. Lacson now taking over the blue ribbon committee, and having worked under him, I know he is very credible when it comes to such investigations, so my trust in the Senate has only grown stronger,’ paglalahad pa ng Alkalde.
Samantala nilinaw naman ng alkalde na alam niya ang tungkol sa posibleng pagkakasangkot ng ilang mga kongresista sa mga hindi tamang proyekto, ngunit binigyang-diin na hindi lahat ng kongresista ay sangkot sa katiwalian.
‘Unang-una, klaruhin ko lang ang abot ko lang kasi is sa lower house. Yung involvement ng ilang mga congressman. I would like to categorically state also that hindi lahat ng congressman tiwali. Marami sa kanila ang maayos,’ wika pa ni Magalong.
Dagdag pa ni Magalong, mas nais niyang mag-testify muna sa Kamara bago sa Senado dahil aniya, nagsisimula ang gera sa mababang kapulungan ng Kongreso.
‘I was waiting for the invitation from the house. There was several pronouncements by congressman Ridon, congressman Abante na ipapatawag nila ako that they will place me underoath ang that i have to testify so hinihintay ko na lang ‘yun. Saan ba ang controversial isyu nasa sanate o nasa house? Kung saan ang gera dun tayo pupunta,’ dagdag pa ni Mayor Magalong.