-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala si dating presidential spokesman Atty. Harry Roque na mayroong sapat na basehan sa Rome Statute para hilingin ang pagbasura ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ng dating presidential spokesman ang pahayag sa kaniyang live video broadcast matapos hilingin ng defense counsel ng dating Pangulo na i-adjourn indefinitely ang lahat ng legal proceedings o paglilitis sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) dahil ayon sa depensa, may “significant cognitive deficiencies” ang dating pangulo kung saan ultimo miyembro ng kaniyang pamilya at defense team ay hindi na niya maalala at hindi maproseso ang nature at implikasyon ng paglilitis laban sa kaniya.

Bilang basehan, tinukoy ni Atty. Roque ang ilang probisyong nakasaad sa Rome Statute may kaugnayan sa karapatang pantao at interest of justice kung saan dapat na aniyang maibasura ang kaso kung hindi na kayang harapin ng dating pangulo ang mga paratang laban sa kaniya lalo na kapag walang sapat na kakayahan partikular na sa pag-iisip dahil hindi ito magiging makatao at maituturing na “arbitrary detention” o pagkulong sa isang indibidwal nang walang legal na basehan o maayos na due process, na lumalabag sa kaniyang karapatan para sa kalayaan.

Kayat kumpiyansa aniya si Roque na papayagan ang interim release ng dating pangulo dahil kung hindi ay lalabas ito na illegal detention dahil hindi pa naman umano napapatunayang nagkasala ang dating pangulo.

Bagamat ipinaliwanag naman ni Atty. Roque na hindi tulad ng batas sa Pilipinas, hindi basehan sa Rome Statute ang kawalan ng abilidad na maintindihan ang paratang laban sa Pangulo para maibasura ang kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Kayat hindi motion to dismiss ang inihain ng depensa kundi ay para i-adjourn indefinitely ang proceedings o paglilitis sa dating Pangulo. Ibig sabihin, hindi pa rin ibabasura ang kaso kundi hindi lamang ito magtutuloy at mananatiling akusado pa rin ang dating Pangulo at hindi mapapalaya.

Sakali man aniyang mapalaya, ito ay sa bisa ng tinatawag na interim release kung saan kailangang may host country o tumanggap na bansa sa dating Pangulo.

Subalit, binanggit din ng dating presidential spokesman ang mga posibleng balakid sa interim release ng dating Pangulo.

Inihalimbawa nito ang kaso ng kasamang nakadetine ni dating Pang. Duterte sa The Hague, na si Félicien Kabuga, isang Rwandan businessman na nahaharap sa kasong genocide at crimes against humanity. Sa kabila ng kaniyang malalang mental health condition dahil sa alzheimers at dementia at kawalan ng kakayahan para humarap sa trial, nananatili pa rin siyang nakakulong dahil walang bansang tumanggap sa kaniya sa pamamagitan ng interim release.