Nanindigan si Senador Mark Villar — na nagsilbing kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na walang katotohanan at walang matibay na ebidensiya ang mga alegasyong isinampa laban sa kanya, kasunod ng desisyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na i-refer ang kanyang kaso sa Ombudsman.
Sa isang pahayag, sinabi ni Villar na mula’t sapul ay malinaw na walang batayan ang mga akusasyon at naniniwala siyang magsisilbi itong oportunidad upang mailantad ang katotohanan.
Ipinahayag din ng senador ang kanyang kahandaan na makiisa sa isasagawang imbestigasyon ng Ombudsman.
Aniya, bukas siya sa isang masusing at patas na pagbusisi upang matukoy kung sino ang tunay na dapat managot.
Hiniling ng ICI sa Ombudsman na magsagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon laban kay Villar kabilang sina dating senadora Nancy Binay, dating Senate finance chairperson Grace Poe, at Senador Chiz Escudero.











