Umapela si ACT Teachers Representative Antonio Tinio na imbestigahan ang GSIS dahil sa natuklasang ₱8.8 bilyong pagkalugi at mga kuwestiyonableng investment sa panahon ni GSIS President Jose Arnulfo “Wick” Veloso.
Ayon kay Tinio, hindi dapat mapahamak ang kontribusyon ng mga guro, nurse, at iba pang empleyado ng gobyerno dahil sa kapabayaan at kawalan ng transparency.
Sinabi niya na mismong mga miyembro ng GSIS board, kasama ang mga pinuno ng legal, risk, at audit committees, ang humihiling na magbitiw si Veloso, na nagpapakita umano ng seryosong problema.
Kabilang sa mga pinuna ay ang ₱3.67 bilyong investment sa Monde Nissin, Nickel Asia, Bloomberry, at DigiPlus na hindi dumaan sa board review, at ang P1.2 bilyong investment sa isang online gambling firm.
Bukod pa rito, ang ₱1.45 bilyong Alternergy deal ay nagdulot ng suspensyon kay Veloso ng Ombudsman.
Binigyang-diin ni Tinio na halos isang milyong guro ang maaaring maapektuhan ng maling paggamit ng pondo ng GSIS.
Naghahanda na ang kongresista ng isang resolusyon upang papanagutin ang mga responsable at siguraduhin ang proteksyon ng pension fund ng mga empleyado ng gobyerno.