Ilang residente ng Jipapad, Eastern Samar ang napilitang gumamit ng bangka upang makagalaw matapos bahain ang kanilang mga barangay dahil sa halos walang tigil na pag-ulan mula Sabado hanggang Linggo ng umaga.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 10 sa 13 barangay sa bayan ang apektado, kung saan umabot hanggang leeg ang baha sa ilang lugar.
Sa bayan naman ng Llorente, umapaw ang tubig kaya hindi na makita ang Tinundan Bridge, dahilan upang ma-stranded ang ilang motorista at maging hindi madaanan ang ilang kalsada, kabilang ang Sitio Tinundan sa Barangay Waso.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad na iwasan ang pagtawid sa mga binahang kalsada at tulay upang maiwasan ang aksidente.
Samantala, binaha rin ang ilang lugar sa bayan ng T’boli, South Cotabato dahil sa ulang dulot ng easterlies.
Apat na barangay naman ang apektado at 14 na pamilya ang inilikas at nabigyan ng paunang tulong. Nasira rin ang approach ng isang tulay sa Barangay Desowo ngunit pansamantala na itong kinumpuni, habang nalinis na rin ang mga debris na humarang sa ilang kalsada.











