Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Office of the Ombudsman ang pagpapasya sa mga panawagang imbestigahan ang maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa Confidential at Intelligence funds ng kaniyang tanggapan at ng DepEd nuong siya pa ang namumuno.
Sagot ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro nang tanuningin kung ano ang masasabi ng Palasyo sa panawagan ng Akbayan at Tindig Pilipinas kat Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sa liham na isinumite ng grupo kahapon sa Ombudsman, iginiit nila ang paggamit ng CIF para umano’y “mag-imbestiga ng korapsyon” ay isang mapanlinlang na palusot upang pagtakpan ang maling paggamit ng CIF ni VP Sara.
Ayon kay Akbayan President Rafaela David, Dapat sa korte na magpaliwanag si VP Sara at hindi siya maaaring umiwas sa pananagutan.
Si VP Sara ay na-impeached ng House of Representatives dahil napatunayang may pananagutan ito sa maling paggasta sa confidential at intelligence funds.
Pinabulaanan naman ni vice president Duterte ang alegasyong ito laban sa kaniya habang naglabas na ng desisyon ang korte suprema na nilabag ng kongreso ang one year bar rule at due process sa reklamong impeachment laban sa bise presidente kaya ito naibasura.
Tiniyak naman ni Ombudsman Remulla na pag aaralang mabuti ang inihaing liham ng Akbayan at Tindig Pilipinas at nangakong magpapatupad ito ng nararapat na aksiyon.