-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa lahat ng mambabatas na gampanan ang kanilang tungkulin at magtrabaho nang maayos para sa ikauunlad ng bansa, bilang tugon sa mga pahayag at isyung kinasasangkutan ni Davao City Rep. Paolo Duterte.

Ayon kay Castro, ang kaunlaran ng bansa ay makakamit lamang kung sama-samang kikilos ang mga lingkod-bayan at uunahin ang interes ng mamamayan. 

Ipinunto ni Castro para umunlad ang bansa dapat magtrabaho tayong lahat at ang mga mambabatas ay obligadong gumawa ng magagandang batas para sa bayan.

Binigyang-diin din ng Palace official na hindi katanggap-tanggap ang pag-uugali ng ilang public servant na mas inuuna ang bakasyon at mga biyahe sa ibang bansa kaysa sa kanilang responsibilidad sa Kongreso. 

“Kapag puro bakasyon at world tour ang gagawin ng isang public servant, wala talaga siyang maiintindihan at wala siyang gagawin kundi iwasan ang isyu ng korapsyon na kinakaharap niya,” pahayag ni Castro.

-- ADVERTISEMENT --

Paalala pa niya, patuloy na tumatanggap ng sahod at benepisyo ang mga mambabatas kahit sila ay naka-bakasyon o hindi humaharap sa mga isyu. 

“Tandaan natin na sila sa Kongreso ay bayad ang compensation kahit naka-bakasyon o nagtatago. Sayang ang pera ng taumbayan sa katulad nila,” dagdag pa ni Castro.

Sa huli, iginiit ng Malacañang na inaasahan ng publiko ang integridad, pananagutan, at aktibong pagtatrabaho ng mga halal na opisyal, lalo na sa panahong nangangailangan ng malinaw at tapat na pamumuno ang bansa.