-- ADVERTISEMENT --

Hinamon ng Malakanyang ang mga kritiko ng administrasyon na maglabas ng ebidensiya at patunayan ang kanilang mga paratang.

Tugon ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro matapos binatikos ng ilang mambabatas ang naging pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr hinggil sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sinabing ang paglikha nito ay para pagtakpan ang mga kaalyado ng administrasyon.

Binanggit rin ni Castro na si dating senador Bong Revilla ay kasama pa mismo sa mga kandidato ng administrasyon noonh nakaraang eleksyon.

Sa mga kumukwestyon naman sa trabaho ng ICI, sabi ni Castro nakita naman kung gaano karaming ebidensya at mga dokumento ang nakalap ng komisyon.

Giit pa ng opisyal, baka ang mga kongresista ang dapat tanungin kung ano na ba ang nagawa nila para pabilisin ang pagsasabatas sa panukalang Independent People’s Commission Act na kasama sa priority legislation ni Pang. Marcos.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin ng Palasyo na sadyang may mga tao lang na hindi kuntento sa ginagawa ng Pangulo kahit nakikita naman ang pagpupursige nito at ng kanyang administrasyon para masawata ang korapsyon lalo na sa isyu ng flood control.