-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ng University of the Philippines–National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) ang malaking pondong nailaan sa mga ‘shadow’ flood control poject sa bansa, batay sa pag-aaral na isinagawa nito.

Ang mga naturang proyekto ay pawang wala sa official Flood Management Program (FMP) ng bansa.

Ayon sa grupo, mahigit P115 billion ang nailaan para sa mga naturang proyekto, kung saan lalo itong lumalaki sa bawat taon, mula sa dating P81.552 billion noong 2022 patungong P115.262 billion ngayong 2025.

Natuklasan ng grupo na sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, ang budget para sa flood control project na wala sa FMP ay halos 50% na mas malaki kumpara sa alokasyong nakapaloob sa FMP.

Inihalimbawa ng UP ang budget na nakapaloob ngayong taon para sa flood control project na nakalaan lamang sa pagtatayo at maintenance ng mga general structure tulad ng mga dingsing, revetments, dikes, slope/riverbank protection, drainage systems, at coastal protection infrastructure.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa grupo, nagpapatunay itong malaking bahagi ng flood control spending ay nagagamit lamang sa mga proyektong nasa labas na ng main program at hindi sa pangunahing flood control.

Sa kabila pa ng malaking bulto ng pondong nakalaan sa flood control projects, lumalabas sa pag-aaral ng academic institution na lalo lamang lumalaki ang problema ng bansa.

Tinukoy nito ang nangyari sa probinsya ng Albay kung saan mahigit P16.2 billion ang inilaan para sa flood mitigation kung saan mula 2018 ay hanggang 273 flood control project na ang itinayo.

Ngunit sa kabila ng maraming proyekto, lumalabas na mahigit P7.3 billion pa rin ang natukoy na infrastructure damage sa naturang lalawigan sa loob ng anim na taon (2017-2023). Ito ang pinakamalaking danyos sa buong bansa.

Ayon sa UP – National College of Public Administration and Governance, ang naturang pattern ay nangyayari sa buong bansa.

Dahil dito, inirekomenda ng naturang institusyon na siyasatin din ang mga proyektong nasa labas ng Flood Management Program ngunit natukoy bilang flood control at disaster-related structures tulad ng mga kalsada, tulay, at evacuation center.

Maaari umanong makatukoy ng mga ‘pattern’ na nangyayari sa mga naturang public infra project na magsilbing framework sa pagsusuri at pagrepaso sa mga government project .