Inaasahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na mahigit 5.8 milyong pasahero ang dadaan sa mga paliparan sa buong bansa ngayong Nobyembre at Disyembre, dulot ng kasalukuyang pagdaraos ng Undas at ng nalalapit na pagdiriwang ng Pasko.
Ayon kay Eric Apolonio, Spokesperson ng CAAP, inaasahang mas mataas ang bilang ng mga pasahero ngayong taon kumpara sa nakaraang taon, na umabot lamang sa 4.8 milyon.
Samantala, iniulat ng ahensya na wala namang mga insidente na naitala sa mga paliparan kaugnay ng pagdiriwang ng Undas 2025.
Pinayuhan naman ng CAAP ang publiko na magbaon ng pasensya, dahil inaasahang magiging mataas ang dami ng pasahero, lalo na sa mga nagbabalik mula sa probinsya.
Binigyang-diin din ni Apolonio ang kahalagahan ng pagiging maingat at ang pag-iwas sa mga biro ukol sa bomb threat, upang hindi makadagdag ng abala sa mga operasyon ng paliparan.











