-- ADVERTISEMENT --

Iniulat ng National Electrification Administration (NEA) na patuloy ang malawakang power restoration efforts para maibalik ang kuryente sa mahigit 4.7 milyong kabahayan na naapektuhan ng Super Typhoon Uwan.

Ayon sa NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), 4,781,180 na mga consumers pa rin ang apektado habang 26 electric cooperatives sa anim na rehiyon ang nakararanas ng power interruption.

Pinakamatinding naapektuhan ang Bicol Region, kung saan maraming kooperatiba ang nananatiling walang kuryente.

Ilan sa mga apektadong lugar ay nasa Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Eastern Visayas, at Bicol Region.

Ayon kay NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, patuloy na naka-mobilize ang kanilang mga linemen para sa malawakang pagkukumpuni, ngunit binigyang-diin niyang hindi agad maibabalik ang kuryente matapos ang pananalasa ng bagyo.

-- ADVERTISEMENT --

Batay naman sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), 26 transmission lines sa Luzon at 7 sa Visayas ang nananatiling hindi gumagana, habang 9 na transmission facilities pa lamang ang naibalik sa normal na operasyon.

Gayunpaman, partially restored na ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Cabanatuan City, ngunit nananatiling brownout ang mga bayan ng San Leonardo at Santa Rosa sa Central Luzon.

Samantala, bumalik na sa normal ang telecommunication signals sa karamihan ng Central Luzon.