Lumikas ang kabuuang 22,311 na indibidwal o 7,884 pamilya sa mga rehiyon ng Calabarzon at Rehiyon V dahil sa pananalasa ng Bagyong Ramil, batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Dahil sa sama ng panahon, pansamantalang sinuspinde ang operasyon sa 39 na pantalan, kabilang sa mga rehiyon ng Central Luzon (Rehiyon III), Calabarzon, at Bicol (Rehiyon V).
Bunsod nito, maraming pasahero at sasakyang pandagat ang na-stranded. Ayon sa Philippine Coast Guard, nasa 3,242 pasahero, 1,050 rolling cargo, 6 na barko, at 7 motorbanca ang hindi nakabiyahe.
Bahagyang lumakas si Bagyong Ramil, kaya’t walong lugar ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2, ayon sa ulat ng PAGASA. Sa pinakahuling bulletin, nananatili ang lakas ni Ramil habang ito’y nasa ibabaw ng baybayin ng Alabat, Quezon.
Itinaas ang Signal No. 2 sa 17 lugar, habang naglabas din ng babala ang PAGASA sa malalakas na hangin sa silangan at kanlurang baybayin ng Luzon.
Inaasahan din ang minimal hanggang katamtamang panganib ng storm surge na may alon na maaaring umabot hanggang 2.0 metro sa loob ng 36 na oras. Posibleng maapektuhan nito ang mabababang lugar at bulubunduking baybaying bahagi ng:Isabela; Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Aurora, Quezon, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay at Masbate.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa apektadong lugar, na mag-ingat at sumunod sa abiso ng mga lokal na awtoridad.