Apektado ang umabot sa 2,134 na pamilya sa sumiklab na sunog sa Parola Compound, Binondo, Manila na tumupok sa mga kabahayan ng mga biktima bandang alas-3 ng hapon noong Sabado, Mayo 23.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa magkakadikit na kabahayan, itinaas ang fire alarm sa Task Force Bravo bandang alas-4 ng hapon at kalaunan ay umabot sa Task Force Charlie pagsapit ng alas-5 ng hapon.
Nahihirapan umano ang mga bumbero na makontrol ang sunog habang pilit namang inililigtas ng mga residente ang kanilang mga gamit at mahahalagang ari-arian.
Mas naging komplikado pa ang pagresponde dahil nasa baybayin ng Manila Bay ang apektadong lugar.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamahalaang lungsod ng Maynila na nakikipag-ugnayan na ito sa Philippine Air Force para sa posibleng aerial response upang makatulong sa operasyon ng pag-apula ng apoy.Alerto sa lindol
Samantala, idineklara naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) na fire out na ang sunog bandang alas-12:17 ng madaling araw ng Linggo, Mayo 24.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng sunod at pinayuhan din ng lokal na pamahalaan ang publiko na umiwas muna sa lugar habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad.











