Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes na mayroong 118 Pilipino sa Thailand ang inilikas sa gitna ng nagpapatuloy na border tension sa pagitan ng Thailand at Cambodia.
Aniya, karamihan sa mga inilikas ay mga Pilipinong guro sa Thailand na nasa mga probinsiya na matinding apektado ng labanan.
Sa kasalukuyan, mayroon aniyang mahigit 350 na dokumentadong Pilipino ang nananatili sa pitong probinsiya sa Thailand border subalit tanging nasa 118 ang apektado at kinailangang ilikas.
Subalit, sa kabutihang palad, walang mga Pilipino ang nasa panganib at lahat ay ligtas at walang nawawala.
Tiniyak naman ng Philippine envoy ang pagbibigay ng embahada ng tulong pinansiyal para sa mga apektadong Pilipino na nagtuturo sa mga paaralan sa border provinces na nagkansela ng klase dahil sa conflict.
Patuloy din ang monitoring ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand sa sitwasyon ng mga inilikas na mga Pilipino.











