-- ADVERTISEMENT --

Niyanig ng magnitude 5.8 na lindol ang karagatan ng Davao Occidental nitong madaling-araw ng Linggo.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang pagyanig bandang alas-1:22 ng madaling-araw nitong Pebrero 15, 2026.

Natukoy ang epicenter nito humigit-kumulang 231 kilometro timog-silangan ng bayan ng Jose Abad Santos.

Sinabi ng Phivolcs na tectonic ang pinagmulan ng lindol at may lalim na 10 kilometro sa ilalim ng seabed, dahilan upang maramdaman ito sa ilang kalapit na lugar.

Bagama’t may kalakasan, inaasahan ng ahensya na wala itong idudulot na malaking pinsala dahil nasa malayong bahagi ito ng karagatan.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, nagbabala ang Phivolcs na posibleng magkaroon ng mga aftershock kaya pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga ipinatutupad na safety protocol.

Dagdag pa ng ahensya, ang pinakahuling pagyanig ay bahagi ng serye ng mga katamtaman hanggang malalakas na lindol na naitala kamakailan sa Davao Occidental at karatig na Davao Oriental, mga lugar na kabilang sa aktibong tectonic zones ng bansa.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa apektadong lugar.