-- ADVERTISEMENT --

Hamon ngayon sa bansa ang pagpapatatag ng koleksyon, lalo na sa buwis, dahil sa korapsyon—partikular ang anomalya sa flood control projects na kinakaharap ng Pilipinas.

Sa pagbusisi sa panukalang pondo ng Department of Finance (DOF) para sa 2026, lumitaw na isa sa mga dahilan kung bakit hindi natatamaan ng gobyerno ang mga revenue target nito ay ang mga isyung may kinalaman sa korapsyon at ghost projects, partikular sa mga flood control programs ng pamahalaan.

Pinuna ni Senate Committee on Finance chairman Senador Win Gatchalian na hindi nakamit ng gobyerno ang revenue target ng bansa sa nakalipas na tatlong taon.

Dagdag niya, patuloy namang lumalago ang non-tax revenue sa mga nakaraang taon, ngunit nananatiling tanong kung bakit hindi pa rin naaabot ang kabuuang revenue goal ng Pilipinas.

Bilang tugon, iginiit ni Finance Secretary Ralph Recto na may kinalaman ang mga katiwalian, lalo na sa mga flood control projects, sa mabagal na pag-unlad ng ekonomiya at sa koleksyon ng buwis.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng kalihim, kung hindi napunta sa katiwalian ang bahagi ng pondo sa mga maanomalyang flood control projects, lumago na sana ng 6 hanggang 6.2 porsiyento ang ekonomiya ng bansa at mas malaki sana ang kita ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).

Bukod sa flood control scandal, apektado rin ang kita ng bansa kapag hindi naaabot ang GDP growth target, gayundin ng mga global challenges na kinakaharap ng maraming bansa, tulad ng global economic slowdown.