Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Lieutenant General Antonio Nafarrete, bilang ika-67th Commanding General ng Philippine Army.
Siya ang pumalit sa pwesto ni Lt.Gen. Roy Galido na nagretiro na sa serbisyo ngayong araw.
Si Nafarrete ay dating commander ng AFP Western Mindanao Command (WESMINCOM) noong November 2024.
Namuno rin ito sa 1st Infantry Division at Joint Task Force Zampelan ng WESMINCOM, at humawak ng ibat ibang posisyon sa 1101st Infantry Brigade, 11th Infantry Division, at Office of the Deputy Chief of Staff for Operations, J3, AFP.
Si Nafarrete at si Galido ay mag mistah na kapwa miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Bigkis-Lahi” Class of 1990.
Samantala, binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagretiro at bagong talagang pinuno ng Philippine Army sa isinagawang change of command ceremony at retirement ceremony ng Hukbong Katihan ng Pilipinas.
Pinasalamatan ng Pangulo si 66th AFP Commanding General Lieutenant General Roy Galido, sa higit tatlong dekadang serbisyo at pamumuno.
Sinabi ng Pangulo, naging matatag at mas epektibo ang hukbo sa ilalim ni Galido, kasabay ng tagumpay sa mga peace efforts, modernisasyon ng kagamitan, at mas mabilis na pagtugon sa sakuna at krisis.